Sunday, February 2, 2014

Timid

Super thanks to my new found BFF for listening to my crazy ideas, storyline, rants at 2 in the morning. Binola pa ko pwede na daw pang short film. Kakaloka ka masscom! Oo, acknowledgement page to J
Hello sa number #1 fan ko! :D

TIMID
Draft 1 02/02 12:28pm

Anong unang napapansin mo sa isang tao?

October 16, Wednesday
Itong araw na ‘to katulad lang din ng ibang araw. Walang nangyari iba, kung ano yung kahapon, ganun din ngayon.

Inabot ko yung bayad nung babaeng nasa likod sa driver.  Iningatan kong hindi mahulog yung mga barya. Ang lambot ng kamay niya. Parang ang manyak pakinggan pero ‘yun ang unang bagay na napansin ko sa kanya.  “Valley golf po”, Narinig kong sinabi niya.

Inabot ko yung sarili kong bayad sa driver, “Floodway po”, sabi ko. Nagheadset ako at naisip ko, ganito na lang ba talaga gusto kong gawin sa buhay ko?

Magdadalawang taon na kong nagta-trabaho sa isang BPO company sa Makati. Monday to Friday, 8am to 5pm pumapasok ako. Gigising ng 6 ng umaga, papasok sa trabaho, uuwi ng 5:30 ng hapon, kakain, magiinternet saglit, maglalaba kung meron lalabhan, matutulog. Araw araw sa nakaraang taon ganyan.

Para saan pa ba ko bumabangon?

October 28, Monday
Niyaya ko ng mga katrabaho ko na lumabas ngayon. Nagdahilan ako, sabi ko marami akong gagawin tsaka masama pakiramdam ko. Ewan ko ba, ayoko lang talagang makipagusap ngayon.

Naghintay ako ng fx pauwi. Sumakay ako sa bandang likod. Nakahinga naman ako ng maluwag nung makita ko na isa na lang ‘yung kulang.  

Nakabukas ‘yung pinto. Kinukuha ng barker ‘yung mga bayad. Sumigaw siya, “Oh isa na lang, aalis na!” Uwing uwi na ko kaya yumuko ako. “Hi kuya!” narinig kong sinabi ng isang pamilyar na boses. Napalingon ako sa direksyon na pinangalinan ‘nun.  “Oh kanina pa nga kita inaantay”, sabi ng barker.

Umupo ‘yung babae sa katapat kong upuan. Ngumiti siya pero hindi ko alam kung sakin ba o sa barker.
Ang sama talaga ng pakiramdam ko kaya pumikit na lang ako.

November 6, Wednesday

Ang haba ng pila sa terminal. Hindi ko alam kung bakit.  Pero nakita ko siya ngayon. Siguro, mga tatlo o apat na tao lang ‘yung layo niya sakin. May nagtanong sa kanya kung pa-Tikling daw ba ‘yung mga fx at kung paano pumunta ng Simbahan ng Taytay. Narealize ko na ang cute pala ng boses niya.

Naisip ko rin na siguro naapektuhan na talaga ng computer screen mga mata ko. Hindi ko siya makita ng malinaw. Parang medyo blurred na din ‘yung ibang mga nakasulat sa signs, hindi ko na mabasa.

Ano kayang pangalan niya?

November 15, Friday         
Naalala ko ‘yung babaeng nakikita ko sa FX. Hindi ko alam kung siya ba talaga ‘yun pero hawig niya ‘yung tumatawid galling RCBC papuntang columns.

Pakiramdam ko stalker ako.
\
Kung nasan siya, nandun din ako.

Kung anong ginagawa niya, ginagawa ko din.

November 27, Wednesday
Ngayon ko lang narealize na palagi ko pala siyang nakakasabay. Nakakatawa pero parang jinu-justify ko ‘yung pakiramdam ko na stalker ako.

Random thought lang kasi nauna lang siya ng isang fx sakin ngayon.

Mabilis ko kasi siyang mapansin or siya lang talaga ‘yung tipo ng tao na pansinin. Paanong hindi? Eh parang ang outgoing niyang tao. Tuwing makikita ko siya, palagi niyang binabati ‘yung mga driver o kaya mga barker. In a sense siguro, naisip ko na hindi siya maarte. Ano bang term ditto? Bukod sa matapobre? Basta! Hindi siya ganun eh.

Meron kasing ibang tao na porke’t driver o barker, eh iniisip na nila na mas mataas sila dahil trabaho nila sa opisina.

Ewan ko ba! Ang ganda lang nung vibe na ganun.


December 16, Monday
Ngayon ko lang siya nakitang naka-body con. Body con ba tawag dun? Hahahaha. Medyo bakla. Ang ganda pala ng katawan niya. Hahahaha. Ngayon naman medyo manyak. Pero seryoso, hindi naman ganun kataba, hindi rin payat, yung sakto lang.

Siguro Christmas party nila ngayon.

Ako kaya kelan ako uuwi samin para sa pasko?

Siguro hindi muna. Pero last year sabi ko uuwi na ko next year.  Anong dahilan na naman kaya sasabihin ko kay Mama?

Pakiramdam ko ang selfish selfish ko at wala kong kwentang anak. Pfft! Hindi na lang siguro pakiramdam, alam ko naman eh.

Ano ba pinunta ko dito sa Maynila?

December 30, Monday
Nakasabay ko uli siya ngayon. Pero this time around my kasama siya. Nagkkwentuhan sila habang bumabyahe kami. Napaka-animated naman nito magkwento, naisip ko. May kasama pa kasing hand gestures at facial expressions.

Tumawa siya.

Parang waterfalls sa pandinig ko ‘yung tawa niya. Nakaka-relax.

Sumagi sa isip ko na, ano kayang pakiramdam nung ako ung magpatawa sa kanya ng ganun?

January 08, Wednesday
Sobrang stress sa trabaho, ang daming nakatambak na files sakin. Drain na drain na talaga ko. Gusto ko na lang sumakay sa fx at matulog. Hindi na ata ako aabot sa bahay.

Swerte naman ako kasi van na yung sumakto sa pilahan. Umupo ako sa pangalawang row gitna sa tabi ng bintana. Pumipikit na talaga mata ko. Baka makalimutan ko nang magbayad kaya inabot ko na.
30 minutes palang ata sa byahe, nasa Kalayaan Ave. palang kami, naalipungatan ako. May nakasandal na ulo sa balikat ko. Antok na antok ako pero nawala lahat ng antok ko nung nakita ko kung sino ‘yun.

Natigilan ako. Hindi ko alam ‘yung gagawin ko. Tinignan ko ang mukha niya. Meron pala siyang nunal sa kilay?

Gusto kong haplusin ‘yung buhok niya. Parang ang himbing himbing ng tulog niya.

Nakalimutan ko na ‘yung pakiramdam na ganito.

Yung may nakasandal sakin. Yung may inaalagaan ako. Yung may sasabihan ako ng tulog ka na, andito lang naman ako.

15 mins. 30 mins. 45 mins. Hindi ako gumalaw. Ayoko siyang magising.
Pero malapit na kong bumaba.

(A/N: Ayoko ng pumara kung ikaw ang kasama, ayoko ng pumara LOL)

January 29, Wednesday
Umaabon na paglabas ko ng office. Hindi ko inaakalang uulan ngayon pero buti na lang may payong ako.
Naglakad ako papunta sa terminal. Naisip ko, makikita ko kaya siya ngayon? Yung totoo, marami talagang tumatakbo sa isip ko. Hanggang dito na lang ba talaga ko? Ano bang pinunta ko dito? May magbabago pa ba sa buhay ko?

Onti-onting lumakas yung ulan. Given na, na pag umuulan talaga, ang haba ng pila at ang hirap sumakay at dndread ko ‘yun.

Nakita ko siya sa pilahan. Wala siyang dalang payong. Ginamit niya ‘yung hawak niyang plastic envelope pantakip sa ulo niya. Basa na talaga siya, onting ulan pa at magiging see-through na ‘yung long sleeves niya.

Hindi ako mapakali. Alam ko ‘yung dapat kung gawin pero kinakabahan ako.

Dahan dahan akong lumapit sa kanya, nagipon ng lakas ng loob.

Tumabi ako sa kanya, sabi ko magshare na lang kami sa payong. Halata sa mukha niya ‘yung relief kaya ngumiti siya at tumango.

Natulala ako saglit sa kanya. Mga ngiti niya, ‘yung ang isang bagay na araw araw ko gustong makita.
Hindi ako nagsalita. Hindi ko alam ‘yung sasabihin.

Nasa pangatlong linya kami. Matatagalan pa bago makasakay. Gusto ko siyang kausapin pero walang lumalabas sa bibig ko.

Napansin ko na nilalamig na siya. (Eh kanina pa nga kasi siya basa diba? Bobo ko naman. Tsk!) Nilipat ko ung payong sa kabila kong kamay para makuha ko ‘yung jacket ko sa bag. Inabot ko sa kanya, pakiramdam ko na tatangi siya kaya sinabi na kunin na niya.

Inipit ko ung payong sa balikat at ulo ko. Hinawakan ko ng dalawang kamay yung jacket para maisuot niya. 
Kanang braso, kaliwang braso. Medyo malaki sa kanya pero ang ganda niya pa din tignan.

Kelan ko ba to huling ginawa para sa isang babae?

Gusto ko siyang ihatid pauwi. Gusto kong sabihin sa kanya na magpalit siya agad paguwi niya, kumain at magpahinga para hindi siya magkasakit.

Pero bago ang lahat kailangan ko siyang kausapin diba?

Paiksi ng paiksi ‘yung linya, habang pinapatagal ko ‘to lalong nauubos ‘yung chance ko na makipagusap at makipagkilala sa kanya.

Wala namang mawawala sakin diba?

Dumating na ‘yung fx. Hindi ko alam pero malapit na kami makasakay. Nagbilang yung barker. 1,2,3,4,5,6,7,8,9 .. Shit! 10. Pang 10 siya. Sampu lang naman nalalaman ng fx diba? Pang 11 ako.

Halata naman sa itsura niya na gustong gusto na niyang umuwi eh.

Tumila na rin yung ulan.

Humarap siya sakin. Hinubad niya ung jacket at tiniklop. Ngumiti siya at nagsabi ng maraming salamat.

Pagkatapos nun, sumakay na siya sa fx.

Wala na kong nagawa kundi panoorin ‘yung pag-alis ng fx.

February 24, Monday

Ilang Monday at Wednesday na ang nagdaan pero simula nung araw na ‘yun, hindi ko na siya uli nakita.

No comments:

Post a Comment